Tula: Testamento

Kung ang ikaw ay isang bituing
Nakahandusay sa pinakamatayog
Na palapag ng langit
At ako, isang buwang
Nakasabit sa pinakamababang
Sampayan ng kalawakan,
Paano tayo nagkatagpo?
Paanong ang mga masisigabong mong sinag
At ang mga malalamig kong liwanag
Ay nagkasalubong, nag-krus, at hindi na muling bumitaw?
Paanong nagmahalan
Ang araw at gabi, kung ang dinikta ng tadhana’y
Kailanman ay hindi maaaring
Magsama sa iisang langit ang
Araw at buwan?
Kung gayon, maihahambing
Ang pagibig natin sa
Bukang liwayway at dapithapon,
Ang mga maiilap na sandali
Kung saan ang araw at buwan
Ay nagsasalubong, nagpupumiglas na mag-pangabot
Bago tuluyang maghiwalay.
Bukang liwayway, kung kailan
Tatangkain ng buwan na humalik
Sa araw bago ito tuluyang lumubog patungo sa kabilang dako ng mundo.
Dapithapon,
Kung saan ang haring araw ay
Numanakaw ng kakaunting
Panahon para masilayan
Ang kanyang reynang buwan;
Mga panahong naghahalo, nagsasama, at nagkakaisa ang lahat ng kulay ng kalawakan-
Bughaw, kahel, ginto, pula at puti-
Hanggang sa hindi na matukoy
Kung saan nagtatapos ang liwanag
At kung saan nagsisimula ang dilim.
Kung ganon, ang pag-ibig natin
Ay nagsisilbing testamentong
Nagpapatunay na wala
Kailanman ang pwedeng humadlang o magdikta
Sa tinitibok ng puso-
Kalikasan man, tadhana, o sarili.
Kung nagagawang mag-sama
Ng araw, na para sa araw,
At buwan na para sa gabi;
Kung nagagawang magsabay
At maghalo ng liwanag at dilim,
Wala sa mundong ito ang hindi kayang gawin o hamakin,
Para sa pag-ibig na wagas.

Para sa B.

**Ang tulang ito ay nalimbag sa Pebrero 28 – Marso 06, 2010 issue ng RESPONDE CAVITE.

Nakita Ko ang Forever Sa Jeep

Hindi ko na matandaan kung kailan, pero tanda ko pa ang panahon.

Mahapdi ang sinag ng araw, sinusunog ang braso at batok ko. Malagkit ang hangin, at bawat ihip nito may kasamang alikabok at milyong-milyong germs. Siksikan sa jeep, at ang nakaka-eew pa, basa pa ang brasong dumadaplis sa braso ko sa tuwing pre-preno ang jeep dahil pawisan ang katabi ko.

Kasabay ng paguumapoy ng panahon at pagkulo ng dugo ko. Dumidiretso din ito sa utak ko kaya konting kalabit at bundol lang sa akin, umiinit na ulo ko.

Hindi ko na matandaan kung paano, pero biglang bumaling ang mata ko sa dalawang matandang mag-asawa. Nandun sila sa may bandang dulo ng jeep, sa may malapit sa labasan. Puti na pareho yung mga buhok nila, tapos si Lolong panot, nakasalamin pa. Si Lola naman, medyo good-bye na din ang buhok. Kulubot na ang mga balat nila, tapos hindi yata sila pinapa-inom ng Anlene dahil medyo kuba na sila. Parang isang hila ko lang din eh punit na yung mga damit nila, kasi parang kasing tanda na din yata nila yung mga suot nila.

Hindi sila naguusap, hindi sila masyadong nagkakatinginan, pero magkadikit ang balikat nila. Paminsan, magsasalubong ang mga mata nila, tapos, pwera biro, parang may nakikita akong kislap tapos ngingiti sila. Walang salita. Ngiti lang. Maliit lang na ngiti, pero pakiramdam ko, nagsasabi ito ng milyong bagay.

Bumaba ang tingin ko mula sa mga mukha nila. Sa binti ni lolo nakapatong ang magkahawak nilang mga kamay.

Sa mga singsingan nila, nakita ko ang dalawang gintong singsing. Wala nang kislap ang singsing. Kupas na.

Pero ang dalawang lumang singsing na yun ang testimonya sa matibay na samahan ang pagibig na wagas.

Pagibig na walang kupas.

Forever.

Sabi ko sa sarili ko tuloy, gusto ko din ng ganun.

Blog: “You hit me, I’ll hit you ten times over”, aka, Bakit Masarap Gumanti

Sabi nila, kapag sinampal ka sa isang pisngi, ibigay mo pa yung isa pang pisngi.

Sabi nila, kapag binato ka ng bato, batuhin mo ng tinapay.

Pero sabi ko, pag binuhusan ka ng tubig, buhusan mo rin ng tubig. Pero yung kumukulo.

Minsan talaga masarap gumanti, ano? Yung iparamdam mo sa tao kung ano yung ginagawa nila sa iyo.

Halimbawa, sinampal ka. Kumulo ng dugo mo, nagdilim ang paningin mo, at nagbaga ang dibdib mo. Sinampal mo ng mas malakas ang mahadera. Umamin ka. Iba yung amats na naramdaman mo nung humataw yung palad mo sa pisngi ng kasampalan mo, diba? Mahapdi, oo, pero may halong high. Kasabay ng paghampas mo ay ang paglukso ng puso mo na syang magdadala ng agos ng dugo sa utak mong nawawalan na ng tamang ulirat. Adrenaline rush.

Minsan nga, pinagpa-planuhan pa ang paghihiganti, diba? Step-by-step pa ang execution, at minsan, ‘killing me softly‘ pa ang drama, para damang-dama ang hinagpis ng paghihiganti. Ikaw namang si demonyita, talagang nilalasap pa ang mga sandaling nakikita mong epektibo na ang plinano mong resbak. Tuwang tuwa ka naman kasi nakikita mo nang gumagapang na sa putikan ang kaaway mo.

‘Ah, itulak mo daw ba ako sa kanal, ah. Pwes, lulunurin kita sa imbornal.’

Mga ganung trip, ba.

Continue reading