Pailalimang Saksakan, Talikurang Bangasan, Walang Pakundangang Parinigan

Ang cute talaga ng social networking sites, kung minsan ano? Naturingan adik ako sa Facebook, at paminsan, Twitter, kaya kapag may libre akong oras (o kahit wala hahaha), magbababad ako dun.

Dati nung hindi pa ako titser at madami pa akong libreng oras, ugali kong magbasa ng mga post sa mga wall ng tao. Subukan niyo. Para kayong nagbabasa ng isang mahabang kwento. Alam niyo ba na masusubaybayan niyo ang mga pangyayari sa buhay ng isang tao sa pamamagitan lang ng wall niya? Meron ako noong sinubaybayang kaibigan. Hanep, parang telenobela lang. Hindi kami close, pero alam ko na halos kung anong nangyari sa lablayp niya dahil lang sa mga wall post niya.

Echosera lang?

Lahat tayo nagiging echosera’t usisera kasi nga naman, sa oras na pinaskil mo sa social networking site ang saloobin mo, sinasalang mo na ito sa publiko. Bukas na ito sa kahit na anong kritisismo, reaksyon, komento, likes, o kung anu-ano pa. Pinapaskil mo eh. Wag kang magreklamo ngayon kung biglang usisain ng tao ang buhay mo.

Ganun din sa pag-blog at pag-tweet. Sa sandaling pinaskil mo sa internet ang kwento’t mga saloobin mo, free for all na yan. Kung magthe-theorize tayo (ayan na lumalabas na ang pagiging Comparative Lit Major ko),  parang exhibitionism yan sa parte ng manunulat o ng nagtu-tweet, o ng nagpo-post sa FB. Voyeurism naman sa parte ng mga mambabasa. Teorya palang yan, pag-aaralan ko pa para sa grad school. HAHAHA.

Mabalik lang sa mga post at blog, ano. HAHAHA. Kung anu-anong mga reaksyon na makukuha niyan. Minsan puro papuri makukuha mo. Minsan ma-eelibs sa iyo mga tao  kasi ang tapang mong maglahad ng nasasaloobin mo. Kaya siguro madaming nagbabasa ng blog ko, kasi walang pakundangan ako kung maglahad ng nasasaloobin ko. Yan ang natutunan ko sa pag-aaral ng malikhaing pagsulat.

Lahat ng sinusulat mo, nanggagaling sa pinagsamang galing at talino ng parehong puso at utak mo. Ang pagsusulat kasi, parang pakikipag-usap yan. May gusto kang sabihin at ibahagi sa mga tao, kaya’t maglalakas-loob kang ilahad ang puso’t kaluluwa mo sa publiko, dahil baka isa o dalawa sa kanila’y makapulot ng konting aral dito.

Hindi madali ang magsulat. Hindi madali ang maging totoo sa sarili, at maging totoo sa mga tao. Para kang naghuhubad dahil nilalahad mo sa buong mundo’t kalawakan ang mga pinakatago-tago mong emosyon, saloobin, at ideya. Para kang naghihiwa ng sugat na matagal nang naghilom; kailangan mo itong paduguin to para tumugis ulit sa papel ang lahat ng alaala.

Minsan naman, may hindi sasang-ayon sa iyo. Nakakatuwa kung yung mga hindi sumasang-ayon ay maglalaan ng panahon para ibigay ang sarili nilang opinyon. Minsan sa comment dito magsusulat. Minsan sa wall ko sa fb. Minsan naman, diretso sa email ko. Magkakaroon ng diskusyon kung saan malaya ang mga tao na ilahad ang sarili nilang mga saloobin.

Yan eh kung matapang yung tao para tapatin ang mga manunulat.

Madako tayo sa tinatawag na… KALAYAAN.

May kalayaan ang tao na isulat ang lahat ng nasasaloobin nila. May kalayaan din ang tao na magkomento sa mga nababasa nila. May kalayaan ang tao na magkaroon ng negatibong reaksyon sa mga nakasulat. May kalayaan ang tao na sumagot sa kung anong paraan ang alam at kaya nila.

Walang paki-alaman. Magsusulat ako hangga’t gusto ko magsulat. Sumumpa ako noon na magiging matatag ako sa pagsusulat. Sumumpa ako na magiging totoo ako sa sarili ko sa bawat pag-lahad ng kamay ko sa keyboard, o sa bawat pagtugis ng bolpen ko sa mga notebook ko.

At kapag sinabihan akong tigilan ang pagsusulat at paglalahad ko, LALO LANG AKONG NANGANGATING MAGSULAT. KASI KAYA KO.

BECAUSE I CAN, sa Ingles. (Hayup, gumaganun!)

At kayo, malaya din kayong mag-react sa kung anong sinusulat ko. Kasi kaya niyo.

Madako tayo sa isa pang napaka-sikat na aktibidades sa mga social networking sites. Parinigan.

Katuwa mga tao minsan ano. Post ng post ng mga parinig. Minsan maloloka nalang ako eh, puro na parinigan sa news feed ko. Parang, ‘Ay. Nasan na ang world peace na tinatawag?’ Miss Congeniality lang? Adik diba.

Bakit nga ba nagpaparinig? May pinapatamaan ka ba? Gusto mo bang marinig yan ng tinatarget mo? O gusto mo lang din maglabas ng nasasaloobin pero ayaw mong iparating sa taong gusto mong paringgan kasi WAR ITO SHET, kaya ibubuhos mo nalang sa pader o sa blog mo? Kahit sa totoong buhay eh… minsan nag-aadik mga tao, idadaan nalang sa parinig at talikurang pambabargas ang lahat ng gustong iparating.

Bakit kaya hindi mo kayang puntahan yung tao tapos sabihin ng harapan sa kanya mga gusto mong sabihin?

Duwag ka?

Hindi mo kasi masasabing ‘wala kang panahon’ para mangompronta eh. Kung may panahon kang magparinig, tiyak may panahon ka para sabihin ng harapan ang kung anong gusto mong sabihin.

Nagtataka lang ako talaga. Major major confused ako sa logic ng mga taong mahilig magparinig, kasi ako, diretso akong tao eh. Kung may problema ako sa iyo, sasabihin ko sa iyo ng diretso, para mapag-usapan natin.

Kung gusto kong makipag-away sa iyo, aawayin kita ng harapan. Warfreak lang? Hinde. Tapat lang. Kung warfreak ang tawag niyo sa taong pranka sa lahat ng gustong sabihin, at tapat sa nararamdaman– galit man ito, o tuwa, o lungkot, o kung ano pa– eh di sige. Warfreak na.

Sus.

Ilang tao lang sa mundo ang kaya ng ganun? Hindi ko kayo inaaway ha, nagtataka lang talaga ako kasi medyo pointless ang pagpaparinig. Self-exression din ba? O sige na nga. Sa ibang kaso, oo. Baka nga gusto lang din maglabas ng ibang tao ng mga nasasaloobin nila, pero ayaw nilang makarating sa target.

Eh bakit nagparinig ka pa?

Ako na… ang confused.

At isa pa. Kung halimbawang nakita mong may nagpaparinig sa iyo at nambabargas sa iyo ng patalikod gamit ang mga twitter at fb account nila, ano gagawin mo?

Gaganti ka ba gamit ang sarili mong pader at tweet-tweets? Babargasin mo din siya, kahit alam mong 50-50 lang ang tsansang mababasa niya yun. At pag nabasa niya yun, aba’y gaganti din siya. Parinigan nalang.

What a very adult and professional activity. Very enlightening.

Kaloka.

Meron akong nakita na page sa FB noon, parang, ‘Parinig ka ng parinig sa wall mo, hindi mo naman kayang harapin! Wall to wall nalang, o!’

Siyempre, nag-like ako.

Ayan na naman tayo sa usaping ‘gantihan’ at ‘pagpatol’. Kaya hindi natatapos lahat ng away at giyera sa mundo eh. Puro patulan ang nagaganap. Ang hirap kasing mambato ng tinapay, eh binato ka ng bato. Sinong sintu-sinto gagawa niyan? Sinampal ka na sa kanang pisngi, ibibigay mo pa kaliwa mo? Adik ka?

Pinaringgan ka na’t binargas-bargas ng patalikod, hindi ka pa papatol? Ano ka, santa? Ako pa man din, napakahilig kong pumatol. Hindi ako marunong magpatalo eh. Kapag pinaringgan ako, susugurin ko’t titirahin ko yung taong yun ng harapan– sa harap ng maraming tao para may eksesna. Kapag inaway ako ng patalikod, mangaaway ako ng diretsahan. Kapag tinaasan ako ng boses, kukulu ang dugo ko, aabot sa penthouse ang presyon ko, at mas tataasan ko din ang boses ko. Away to.

Kapag binato ako ng bato, babatuhin ko ng isang bloke ng semento.

Kapag binuhusan ako ng tubig, bubuhusan ko din siya ng tubig. Yung kumukulo pa.

Warfreak talaga. Yun nga lang, ako, harapan.

Kaya lang, kahit gaano ako ka-warfreak, pwede din naman akong kausapin ng matino. Minsan, kahit na gustong-gusto ko nang patayin yung tao, kapag hinarap ako ng maayos, haharapin ko parin ng maayos. Tragic flaw ko yan eh. Ang bilis kong magpatawad. Kahit na binargas-bargas na ako, tae, isang sorry lang o kaya isang maayos  na approach lang, wala na. Wala na ang rage. Loser lang. Asar.

Sabi ng iba, maganda daw yung ganung ugali. Mabilis kausap, kahit galit na. Pero sabi ko, hindi rin. Kasi minsan inaabuso ng mga tao yung ganun kong ugali eh. Tsaka wala tuloy akong chance na maging warfreak. Tsk.

Ang hirap ng hindi pumatol. Sarap kasi minsan ilabas ang lahat ng galit, ang sarap makipag-warlahan. Ang sarap din pumatol sa parinigan. Pero kasi napapaisip din ako, ano. Nagsusulat ako dito. At totoo ako sa lahat ng sinasabi ko, lalo na sa sarili ko. Nagpapakabalahura ako sa harap ng mga mambabasa ko, kasi eto ako eh. Pero iba ang pagiging totoo… sa pagpapakita ng maling halimbawa.

Lalo pa’t may mga kids na nagbabasa dito (I love you, kiddos! HAHAHA). Lalo pa’t ang propesyon ko ay medyo hebigatin. Titser ba.

May mga panahong gusto kong gumanti’t bumaba sa lebel ng ibang tao. Pag writer ka kasi, medyo makakakita ka ng mga hindi lang negatibong komento… yung talagang pambabangas na. Tapos hindi pa sa iyo ididiretso. Magtu-tweet lang ng kung anu-anong pambabangas, ni hindi naman alam kung ano ang buong kwento. Ni hindi alam kung ano totoong nangyayari.

Pag ganun, kasarap lang pumatol. Kung sa bangasan lang, expert ako dyan. Pwede kasing pabangas din, pa-balahura, at parinig din. Pero napapaisip ako. Importante kasi sa akin yung propesyon ko at yung posisyon ko bilang guro. Seryoso ako sa trabaho ko.

Higit pa sa English, Technical Writing, At Humanities (paminsan Creative Writing at Literature… yabang lang?!) ang kailangan kong ituro sa kanila. Kailangan ko silang gabayan na gumawa ng tama. Kailangan ko silang alalaayan hanggang sa pag-lakad nila papalabas ng Arc of the Centuries. Kailangan ko silang ihanda para sa buhay sa labas ng unibersidad.

Minsan, napapaisip ako kung kaya ko ba. Pero kasi binigay sa akin tong pribilehiyo at karangalan na maging guro nila eh. Kaya sinusubukan ko talaga.

Minsan, may mga gusto na akong gawin na tipong gusto ko nang ilabas yung mga kinubra kong sungay. Pero nandyan ang mga bata. Nandyan sila, nakamanman sa lahat ng kilos at salita ko.

Sa mata ng bata, ang lahat ng ginagawa ng matanda ay tama.

Kaya nagsusumikap din akong mas mabuting tao, para sa mga estudyante ko. Mga anghel sila na pinadala ng langit para putulin ang sungay ko’t bawasan ang pagiging maldita ko. Sa totoo lang, hindi ko lubos mapakita sa kanila kung gaano sila kaimportante sa akin, at kung gaano ko sila kamahal. Hindi ko lubos maipakita yung pasasalamat ko sa lubos-lubos na pagmamahal na binibigay nila sa akin.

Hindi dumadaan ang araw na hindi nila ako hinaharang sa tuwing magkakasalubong kami. Kailangan talaga, magchikahan kami kahit sandali. Hindi dumadaan ang araw na hindi sila babati, o ngingiti, o yayakap. Libre ang yakap at pagmamahal kapag titser ka. Iba ang amats, kapag may humigit-kumulang 450 na bata na nagmamahal sa iyo.

Oo, may iba dyang bata na binabangas din ako patalikod. Hindi maiiwasan yan, lalo na’t minsan eh lumalabas ang pagkamaldita ko sa klase (kapag medyo maingay na sila). At isa pa, sinong teacher ang hindi inalyasan at binangas ng mga bata? Pero sa dalawa o tatlo na nambabangas sa akin, ano ba naman sila, eh ilang daan naman ang nagmamahal?

Gayunpaman, mahal na mahal ko silang lahat. Yes, kahit yung mga nambabangas.

Kaya ayan. Nagpapakabait tuloy ako, kahit na kagabi, umabot sa stratosphere ang presyon at urat ko nang mabalitaan kong binabargas na naman ako ng patalikod ng ilang taong hindi ko alam kung bakit hindi ako kayang harapin. At mangyari lang na ang nagsumbong at nag-report sa akin na may ganitong anumalya, ay yung kuya na mismong dahilan kung bakit ako binabangas ng isang anonymous na ate.

Imbes na pumatol at magparinig, naghanap nalang ako ng ibang paraan para tugunan ang sitwasyong ito. Eto ang isa sa mga alam kong paraan. Pagsusulat. Baka may madampot pa kayong aral dito, ewan ko lang. Isang malaking feeling lang naman paminsan eh. HAHAHA APIR TAYO MGA TSONG.

Makapangyarihan talaga ang salita. Naisulat man, o nasabi, kapag binato mo to, habambuhay na yang tatatak. Ako bilang manunulat, dito sa blog nilalahad ang saloobin. Tapat ako sa mga mambabasa ko, kaya siguro ang daming sumusubaybay dito.

(MARAMING SALAMAT I LOVE YOU ALL PWERA BIRO SALAMAT TALAGA MWAH. Ay. Artista lang?)

Lahat tayo, may kalayaang mag-bitaw ng salita. Sa kasawiang-palad, ang kalayaan na yan ang nagbibigay din sa atin ng paraan na maging backstabber at duwag, kasi malaya din tayong mambangas ng hindi alam ng ibang tao.

Subukan niyo nga minsan. Kung may gusto kayong sabihin, idiretso mo sa taong gusto mong pagsabihan. Try niyo. Kaya niyo ba?

Siya. Sige na nga. Give peace a chance. High road tayo.

(PS… Kids, sorry absent si Ma’am. Nabinat eh, pano naulanan ng ilang araw. T__T Ahmishu kiddos.)