Ako, ang Kamera, at ang Mundo

Higit isang taon na ang nakakalipas, bumili ako ng DSLR dahil na-tripan kong kumuha ng mga litrato. Naubos yata lahat ng impok ko, tapos kinailangan pa ni Inay na abonohan kasi medyo mahal yung nabili kong camera. Sa umpisa, mega click click ako, lalo na kapag may mga lakad kami. Kung anu-ano lang ang pinipicturan ko, kasi hindi ko pa matunugan kung ano ang gusto ko.

Sa pamilya namin, kanya-kanya ang expertise pagdating sa photography. Si Bunso, magaling kumuha ng angulo at perspective. Wala siyang sariling camera, pero kapag humawak, asahan mo na malupit ang mga shot. Si Ninong, studio at portrait ang gimik. Hindi ko mawari ang mga gadgets niya. Ang daming payong, ang daming ilaw, ang daming lens, at kung anu-ano pa. Si Mama, adik sa landscapes at post-processing. Halos every weekend yan nagpupunta sa probinsya para lang habulin at i-capture ang sunrise at sunset. Minsan pumupunta siya sa dagat, minsan naman sa siyudad. Si Kaykay naman, expert sa pagkuha ng picture ng sarili. Kahit anong anggulo, kahit anong camera (pati webcam), papatusin niya. Siya din ang mowdel ng pamilya, kasi pang beauty queen ang ganda niya.

Ako naman, mahilig sa mga scenario. Moving people. Moving cars. Moving everything. Moments. Ayoko ng naka-pose, at ayoko ng hindi gumagalaw. Ang sinusubukan kong hulihin ay yung mismong ‘life’. Tawanan ng barkada, iyak ng sanggol, mga tao sa palengke, tumutulong uhog ng bata, at kung anu-ano pa. Sabi ni Inay, travel photography daw yun. Ewan ko kung tama ba siya, pero kung yun nga yun, ang astig pakinggan.

Pero napansin ko na pagkatapos ng initial hype sa pagkakaroon ng sosyaling camera, hindi ko na ‘to masyadong dinadala o ginagamit. Hindi na ako tulad nila Mama at Ninong na kada may outing ang pamilya, eh may nakasukbit na hebigating kodak sa mga leeg nila. Parang tinamad ako kasi mabigat, tapos kapag may camera ka, obligado kang kumuha ng pictures ng mga tao, pero nakakaurat, kasi wala ka sa pictures. Eh gusto ko nandun ako lagi, para may madampot akong profile picture. JOKE.

Napansin ko lang kasi na pag may camera ka, imbes na ine-enjoy mo ang moment, natataranta kang kumuha ng kumuha ng pictures. Parang, ‘Ay ang ganda ng view! O pose kayo!’ O di kaya, ‘Shet ang ganda ng sunset, kailangan kong i-capture.’ Kaya imbes na magmuni-muni ka’t mag emo habang lumulubog ang araw, ayun, abala ka sa pag-adjust ng setting ng mamahaling camera mo, para mahuli mo ang magnificence ng sunset. Kaya ayun, hindi ko na dinadala yung camera ko. Kasi gusto ko, kapag aalis kami ng pamilya at mga kaibigan ko, ninanamnam ko yung bawat sandali. Hinahayaan kong ang puso at isip ko nalang ang mag-capture ng memory, kasi alam ko na kahit na walang pictures, kapag naalala ko naman yung mga sandaling yun, mapapngiti din ako. Sabi ng nanay ko, sayang daw yung DSLR ko kasi hindi ko yun dinadala kapag may mga lakad kami. Ang sabi ko naman, mas sayang ang moment kapag hindi mo nilasap at ninamnam (dahil sa pag-adjust ng setting ng camera).

Kaya lang, ika nga ng mga tao, ‘memory is fallable’. Kaya siguro desperado tayong i-capture ang espesyal na moments, kasi natatakot tayo na baka makalimutan natin lahat yun. Aminado ako, may panahon na gustong gusto kong i-capture yung mga ganung bagay. Pero dumating din kasi yung panahon na mas gusto kong ‘ma-experience’ yung mga ganun kagagandang bagay, kaysa ‘i-capture’ ito sa camera. Parang mas gusto kong ‘in the moment’ ako, kaysa naman yung babalikan ko nalang yung moment sa jpeg file o di kaya sa albums ko sa facebook. Kahit kasi gaano kaganda ang camera mo, o di kaya’t kahit gaano kamahal ang lens mo, hinding hindi mo mapapalitan yung mismong ‘experience’, at yung mismong ganda ng isang bagay.

Yun ang frustration ng photography, para sa akin. Sinusubukan mo lang kunin, sinusubukan mong i-capture, pero kahit kailan, hinding hindi mo makukuha yung ‘essence’. Yung ‘meaning’. Yung ‘experience’.

Fireworks display, for example. Nung Paskuhan 2010, nandun kami ni Ate Dawn sa mismong harap ng mga paputok, kaya naman halos magka-stiff neck na kami sa katitingala. Napakaganda ng pagkalat ng kulay sa itim na langit. May isang mumunting ilaw na sasabog, puputok, tapos sasaboy ng iba’t ibang kulay. Kapag nasa ilalim ka mismo ng mga ilaw, tapos nag-focus ka, parang napakalapit mo. Parang babagsak sila sa iyo, pero alam mo na mawawala sila. Ang sarap lang sa ilalim kasi para kang naliligo ng iba’t ibang kulay ng matitingkad na ilaw.

Napansin ko na halos lahat ng katabi namin, may hawak na camera o video-cam. Gawain ko yun nung mas bata ako, kasi nga naman, may idea tayo na lahat ng magagandang bagay, kailangan nating i-capture sa camera. Automatic impulse yun, para nga naman may babalikan tayo, kahit tapos na ang moment. Pero kasi, minsan, sa sobrang concentration mo na ma-capture ang moment, nami-miss mo na ito. Ika ko nga sa aking facebook status, ‘Fireworks belong to the sky, not on the screens of your cameras ang vidcams.’ Kahit ilang beses mo pang iplay yang video na yan, hindi parin kapareho ng experience na makita mong sa langit mismo tutugis ang mga kulay.

Pero kasi, para sa mga photographers, yung mismong pagkuha ng litrato, yun yung /moment/. Yung nanay ko, talagang gigising yan ng alas tres ng umaga para bumyahe papuntang kung sang lupalop para lang piktyuran ang pagsikat ng araw. Pag dating sa site, mega-prepare yan: kung anung anggulo ang kukunin, lokasyon, setting ng camera… Kailangan niya ng mga isa o dalawang oras na preparasyon at set-up, para lang kuhanan ang ilang minutong pagsikat (o paglubog) ng araw. Sa higit beinteng shot na kukunin niya, dalawa o tatlo lang ang ‘perfect’ shot. Minsan nga, sa isang buong araw na location shoot ni mama, wala pang sampu ang maipapakita niya sa akin na talagang gusto niyang shot.

Iba ang approach namin ni Mama sa mga ganyang bagay. Pareho kaming kukuha ng pwesto, pareho kaming magpre-prepare. Pero kung siya, camera, lens, at tripod ang armas, ako naman, bolpen at papel. Kung siya, abala sa pagkuha ng litrato, ako, abala sa pag-titig sa proseso ng pagsikat at paglubog ng araw, para pagkatapos ng moment, pwede akong magsulat.

Tingin ko para kay Mama, hindi lang yung subject ang importante sa kanya. Yung mismong ‘act of taking pictures’, yun yung habol niya. Pag tinitingnan ko mga shots ni Mama, naa-amaze ako kasi sobrang ganda. Parang sampung libong kwento ang kaya kong gawin sa isang picture na ipakita niya sa akin. Kayang kaya ni mama na i-capture yung pagsaboy ng ilaw sa langit tuwing bukang-liwayway. Tapos sa foreground, yung kalmadong tubig ng dagat. Wala ni isang alon, wala ni isang movement. Kaya ni mama kuhanan yung labanan ng liwanag at dilim. Na tipong kapag tumingin ka sa litrato, para kang hihigupin paloob tapos dinig mo yung katahimikan at kapayapaan ng lugar.  Tsaka ko nararamdaman yung kasabikang kumuha ulit ng mga litrato.

Siguro, maglalaan nalang ako ng araw para sa pagkuha ng litrato. Hindi ko nalang isasabay sa mga panahon na makakasama ko yung mga mahal ko sa buhay, kasi yung mga panahong iyon ay para sa kanila. Dun ko nanamnamin yung mga sandaling magkakasama kami, at hindi ko aapurahin ang sarili ko na kumuha ng ‘perfect shot’. Tipong kung magdala man ako ng camera, point and shoot lang.

Pero yung isang araw ko para sa akin, sa mundo, at sa camera ko, ihihiwalay ko. Isang araw na tatambay lang ako sa isang lugar, magmamasid lang ng mga happenings, at pag may nakita, SHOOT.
May mga araw na pakikiramdaman ko ang hampas ng hangin sa buhok at katawan ko, at may mga panahon na pupwesto ako sa likod ng camera para hulihiin kung paano tinutulak ng hangin ang alon sa dagat. May mga araw na tatawa ako kasama ng mga kabarkada ko, kung saan nandun ako sa mismong sandali, at may mga panahon na nasa labas ako, isang observer, at susubukang hulihin sa litrato ang tawanan ng barkadahang hindi ko kilala.

Sa makatuwid, may mga araw na kailangan kong makita ang mundo gamit ang sarili kong mata, at may mga araw na titingnan ko ito sa sa likod ng lente.

Pareho, pero magkaiba. Art of living, at art of capturing life. Parehong art, parehong life. Parehong experience, parehong moment. Ganun lang talaga siguro kapag gusto mo lasapin ang buhay; gagawin mo lahat, masulit lang ang mga sandali na pinahiram sa iyo.

Dito sa baba ay ilan sa mga kuha ko kapag natipuhan kong humawak ng camera.

The Captain

Sipon

Ako na ang magpaka-Rizal

Minsan lang sila maging bata…